To Saudi With Love... and Hope.
Click
Kumusta?
Pagpasensyahan mo na kung ‘di kita mabilis na nasagot.
Hindi madaling maghanap ng radyong magagamit
Para mapakinggan ang malayo mong boses.
Kinailangan kong umuwi sa kinalakhang kubo
Nang di maudlot ang pakikinig ng ilang beses.
Antagal na nating di nagkakasama
Lagi kong naiisip kung mabuti ba ang iyong kinalalagyan
May konting kurot sa damdamin
Sa tuwing naiisip na di ka man lamang mapagsilbihan
Laman ng lahat ng aking dasal
Nawa’y di ka mapunta sa anumang kapahamakan.
Siya nga pala, nalalapit na ang kaarawan ng babae natin
Tanging hiling, isang mansanas at damit na bago
Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot
Kung ang tanging maibibili ko lamang ay mansanas, tatlo limang piso
Titiisin kong makita ang kabiguan at lungkot sa kanyang mata
Masigurado ko lamang ang pambayad ng kaniyang matrikula.
Alam mo ba, nagmahal na naman ngayon ang mga bilihin
Beinte-singko na ang karne dito, kaya umiwas na rin kami sa pagbili
Gulay at galunggong na lang ang halos naipapamalengke
Ito lang kasi ang nagkakasya sa sweldo ko kada a-kinse
Ayaw ko na sanang lumapit pa sa mga kamag-anak mo
Sa tindi ng pagpataw ng interes at paniningil, daig pa bangko.
Pagpasensiyahan mo na nga pala ako
Hindi kita napadalhan ng regalo para sa ating anibersaryo
Limang taon na tayong kasal, mahal ko
Hayaan mo, nagsisimula pa lamang naman tayo
Malalagpasan pa rin naman natin ang kalagayan nating ito
Konting pagtitiis, mahal ko, magkakakasama rin tayo.
Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas buhat ng umalis ka
Hindi ko nalang iniisip, na ilang taon pa ang iyong kailangan
Isinasaisip ko na lamang, kailangang magipon para sa mga bata
Gusto kong matupad lahat ng pangarap natin para sa kanila
Mabuti pang tayong dalawa ang makaramdam ng lahat ng pagtitiis
Huwag lang silang mahirapan sa buhay nating ninais.
Huwag na huwag mong hahayaan ang iyong sarili
Lalo pa’t wala ko riyan para maalagaan ka sakaling ika’y magkasakit
Hindi man kita naipagluluto ng mga paborito mong pagkain
Alalahanin mo na lamang na ikaw ang laman ng aming mga isipan
Importante para sa atin ang maisakatuparan ang ating mga pangarap
Ngunit mas importante para sa amin ang iyong kaligtasan at pag-iingat.
Hangang dito na lamang itong munting padala namin para sa iyo
Sana’y ramdam mo ang pagmamahal na inilakip namin dito
Huwag mong kakalimutang magdasal sa Kanyang paggabay
Huwag mo ring kakalimutang kami ay laging nakaabang
Isang libong disyerto man ang pumapagitna sa atin
Isang araw, lahat ng ating pangarap, matutupad na rin.
*inspired by a voice tape recorded 20 years ago that mysteriously vanished as it recently and mysteriously appeared.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home